BATANGAS, Philippines – Nagbuga ng mas mababang sulfur dioxide (SO₂) ang Taal Volcano ngunit patuloy pa rin ang senyales ng pag-aalburuto nito, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology.
Sa pinakahuling ulat, bumaba sa 308 metric tons ang SO₂ emission sa nakalipas na 24 oras, na itinuturing na “mahina,” mula sa 590 metric tons noong Mayo 1 hanggang 5.
Sa kabila nito, nananatiling aktibo ang bulkan dahil nakapagtala ng siyam na volcanic earthquakes. Nauna rito, 11 lindol ang naitala noong nakaraang araw at 20 naman noong Mayo 4.
Wala namang naobserbahang pag-akyat ng mainit na volcanic fluids sa crater lake at wala ring naitalang volcanic smog o “vog.”
Mananatili sa Alert Level 1 ang Taal, na nangangahulugang may mababang antas ng unrest.
Muling paalala ng PHIVOLCS na bawal pa ring pumasok sa Taal Volcano Island, maglayag sa lawa, at magpalipad ng eroplano malapit sa bulkan dahil sa posibleng panganib. RNT/MND