MANILA, Philippines- Nakatakdang magbenta ang Department of Agriculture (DA) ng mas masustansya at mas murang bigas na tinatawag na “Sulit” at “Nutri” rice sa 2025.
Sa panayam kamakailan, sinabi ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na pareho itong ibebenta sa Kadiwa ng Pangulo (KNP) stores para mabenipisyuhan ang mas maraming Pilipino.
Ang “sulit” rice, 100 porsyentong durog subalit puti, ay ibebenta sa halagang P35 per kg. Hanggang P36/kg. habang ang “nutri” rice, na hindi puti at hindi rin “brownish” na local rice, ay mabibili sa halagang P36/kg hanggang P37/kg.
“Pero yung 100 percent broken comes from the good variety of rice, imported rice yan. Pero siyempre, kung may local sources, we may buy local,” wika ni Tiu Laurel.
“Available na siya dito sa importer and kinakain namin sa DA ngayon iyan, masarap siya, puting-puti.”
Samantala, sinabi ng DA chief na ang kinakain niya ay ang nutri-type na bigas, dahil umano sa health benefits nito.
“To be honest with you, sa bahay ko, yan ang kinakain namin kasi mas okay. Ako, diabetic ako. When I eat it, hindi nagsa-spike ang sugar ko. Then, it’s more filling,” ani Tiu Laurel.
“Iyong pag three pass na yan, nawawala lahat ng minerals, nutrients, plus fiber, nawawala iyan. Sa one pass, lahat ng nutrients and fiber nandyan pa rin,” paliwanag ng opisyal.
Nakatakdang ilunsad ng DA ang pagbebenta ng “sulit rice” sa Enero at ang “nutri rice” sa kalagitnaan ng 2025. RNT/SA