Home METRO Sunog sumiklab sa boundary ng P’que, Las Pinas; 200 pamilya apektado

Sunog sumiklab sa boundary ng P’que, Las Pinas; 200 pamilya apektado

MANILA, Philippines- Umabot sa 200 pamilya ang nawalan ng tirahan makaraang tupukin ng apoy ang kanilang mga bahay sa boundary ng Paranaque at Las Pinas Lunes ng gabi, Abril 1.

Base sa inisyal na ulat ni operations chief ng ng Paranaque Bureau of Fire Protection (BFP) na si Sr. Inspector Mark Tuto, nagsimula ang sunog dakong alas-6:59 ng gabi sa isang bahay sa Scotland Street Barangay San Isidro, Paranaque City.

Ayon kay Tuto, pagdating nila ay malaki na ang mga apektadong bahay na nasusunog bunsod ng mabilis na pagkalat ng apoy dahil sa lakas ng hangin noong mga oras na iyon.

Sa lakas ng hangin ay tumawid na sa kabilang kalsada ang apoy na sakop na ng Las Pinas kung saan naapektuhan na rin ng sunog ang dikit-dikit na kabahayan na gawa lamang sa light materials.

Natupok din ng apoy ang mga nakaparadang pedicab na nagsisilbing kabuhayan ng ilang residente sa lugar.

Dagdag pa ni Tuto na hindi rin sila gaanong makakilos dahil sa makipot na kalsada na papasok sa eskinita pati na rin sa dami ng taong nasa lugar na naghahakot ng kanilang mga naisalbang gamit.

Inabot ng ikaapat na alarma ang sunog na naideklarang fire out dakong alas-3 ng madaling araw.

Patuloy ang imbestigasyon ng Paranaque BFP upang matukoy ang pinagmulan ng apoy gayundin ang halaga ng pinsala na idinulot ng sunog. James I. Catapusan

Previous article8 nagpanggap na kawani ng DBM timbog!
Next article‘Zero interruption’ ng suplay ng tubig pinatitiyak sa water provider