Home NATIONWIDE ‘Zero interruption’ ng suplay ng tubig pinatitiyak sa water provider

‘Zero interruption’ ng suplay ng tubig pinatitiyak sa water provider

MANILA, Philippines- Mariing kinalampag ni Senador Grace Poe ang lahat ng water service provider na tiyakin ang zero interruption sa suplay ng tubig ngayong tumitindi ang init ng panahon na maaaring pagmulan ng sakit.

Sinabi ni Poe, chairman ng Senate committee on public services na tumitindi ang init ng panahon kaya’t kailangan ang mas maraming suplay ng tubig, na kapag kinapos o naputol ang suplay, malaking banta sa kalusugan ng mamamayan.

“Dapat tiyakin ng water provider ang walang tigil na suplay ng tubig, 24/7,” ayon kay Poe.

Naunang nagbanta ang ilang dalubhasa hinggil sa heat-induced diseases, tulad ng heat stroke.

Kaya naman, kailangang regular na uminom ng tubig at hindi dapat maghintay ang sinuman bago sila tuluyang mauhaw bago makainom, ayon kay Poe.

“Kung walang tubig sa gripo dahil sa water interruption, ang iba sa atin walang magagamit na tubig kahit sa inumin,” giit ni Poe.

Napipilitan ang mamamayan na bumili ng tubig na nirarasyon o nakikiigib sa ibang lugar na may tubig kapag kapos ang suplay, dagdag ng senadora.

“Kapag nakainom ang sinuman ng tubig sa hindi ligtas na pagkukunan, maaaring makakuha sila ng sakit tulad ng problema sa tiyan,” ayon kay Poe.

Inaasahan ni Poe na maglalagay ng supply contingency ang lahat ng water concessionaires kabilang ang augmentation plans partkular sa panahon ng tag-araw.

Kailangan din umanong makipag-ugnayan ang kompanya ng tubig sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System at ang National Water Resources Board upang makatulong na tiyakin na makakararanas na patuloy na suplay ng tubig ang consumer habang tumataas ang pangangailangan.

Kasabay nito, hiniling din ni Poe sa Senado na pagtibayin kaagad ang inihain nitong Senate Bill No. 102 na naglalayong lumikha ng Department of Water Resources upang pag-isahin ang lahat ng patakaran na makatutulong sa paglutas ng problema sa suplay ng tubig.

“The envisioned water agency will lead and consolidate whole-of-society efforts for the comprehensive and integrated development and management of water resources in the country,” paliwanag ni Poe.

Isang priority measure ng administrasyon ang naturang panukala. Ernie Reyes