Home METRO Sunog sumiklab sa Dumaguete Airport sanhi ng charger ng laptop

Sunog sumiklab sa Dumaguete Airport sanhi ng charger ng laptop

DUMAGUETE – Nagdulot ng sunog ang isang laptop charger sa departure area ng Dumaguete-Sibulan Airport noong Linggo ng gabi, iniulat ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) nitong Lunes.

Sinabi ng CAAP na nagsimulang magbuga ng usok ang nakasaksak na charger bandang 8:23 p.m.

Gumamit ng fire extinguisher ang isang security personnel at nagawang “fully extinguish” ang apoy mula sa “burning charger” alas-8:25 ng gabi, batay sa ulat ng CAAP.

Halos 160 pasahero ang kinailangang pansamantalang ilipat sa ramp area dahil sa malakas na amoy ng usok.

Walang naapektuhang flight at nakabalik ang mga pasahero sa pre-departure area alas-8:40 ng gabi, dagdag ng ulat.

Pinayuhan ng CAAP ang mga pasahero na tiyaking nasa mabuting kondisyon ang kanilang mga gadget bago ito isaksak sa mga airport outlet.

“Lubos na hinihikayat ng CAAP ang publiko na maging mapagmatyag sa kanilang mga elektronikong gadget sa mga paliparan, na tinitiyak na ang mga ito ay maayos na iniinspeksyon at nasa mabuting kalagayan upang maiwasan ang anumang posibleng insidente,” sabi nito. Santi Celario