Home METRO Sunog sumiklab sa Paco Market, iskul, PGH

Sunog sumiklab sa Paco Market, iskul, PGH

Umakyat sa P15.6 milyon ang halaga ng structural damage sa nangyaring sunog sa Magre Dry Goods Market, sa tabi ng Paco Catholic School kagabi, habang sinisinsin naman ng mga may-ari ng nasabing establisimyento ang mga bagay na pwede pang ikalakal. Crismon Heramis

MANILA, Philippines- Nadamay ang isang Catholic School nang sumiklab ang sunog sa Paco, Maynila nitong Sabado ng gabi.

Sa ulat ng Bureau of Fire Protection, umabot ang sunog sa ika-limang alarma bandang alas-8:37 ng gabi.

Nakadagdag pa ang mabilis na paglamon ng apoy sa mga hilera ng mga tindahan at bahagi ng gusali ng Paco Catholic School, sa Pedro Gil, Paco, Maynila.

Partikular umanong nasunog ang San Pedro Calungsod Building ng nasabing paaralan.

Samantala, muli namang sumiklab ang sunog sa Philippine General Hospital pasado alas-11 ng gabi .

Ito ay halos kasunod lamang ng sunog sa Paco na natupok pasado alas-12 ng hatinggabi.

Tinitingnan namang sanhi ng sunog sa Ward 11 ng PGH ang electrical wire, habang inaalam pa ang mitsa ng malawakang sunog sa Paco na nagsimula umano sa commercial area. Jocelyn Tabangcura-Domenden