MANILA, Philippines – Patuloy na lumalakas ang Super Typhoon Bavi habang nasa karagatan sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa PAGASA.
Noong alas-3 ng hapon ng Sabado, taglay na nito ang 205 km/h na lakas ng hangin at 250 km/h na bugso, mas malakas kumpara sa naitalang 195 km/h at 240 km/h kaninang madaling-araw.
Bahagya naman itong bumagal at kumikilos pakanluran sa bilis na 10 km/h. Huling namataan ang bagyo 2,845 kilometro silangan ng Eastern Visayas.
Inaasahang papasok ang Bavi sa PAR sa kalagitnaan ng susunod na linggo at tatawaging Inday.
Bagama’t mababa ang posibilidad na mag-landfall ito sa Pilipinas, inaasahang palalakasin nito ang Habagat, na magdadala ng pag-ulan sa kanlurang bahagi ng bansa.
Sa loob ng susunod na 24 oras, makakaranas ng mga pag-ulan ang Cagayan Valley, Bicol Region, Eastern Visayas, Aurora, Quezon, at Dinagat Islands dahil sa easterlies.
Samantala, ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan o pagkidlat-pagkulog.
Nagbabala ang PAGASA sa posibleng flash flood at landslide tuwing may malalakas na thunderstorm. RNT/MDS