MANILA, Philippines – MULING tiniyak ng Malakanyang ang matatag na kampanya ng administrasyong Marcos laban sa korapsyon.
Binigyang-diin ng Palasyo na dapat managot ang mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa mga maanomalyang proyekto, kasabay ng pagsunod sa tamang proseso ng batas.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nananatiling determinado si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na papanagutin ang mga sangkot sa katiwalian sa pamahalaan.
“Ang Pangulo naman at ang administration na ito, ang polisiya ay managot ang dapat na managot. Dapat nating litisin ang anumang issue ng korupsyon sa ating gobyerno, sa ating bansa,” ani Castro.
Binigyang-diin din ng Punong Ehekutibo na habang seryoso ang pamahalaan sa pag-iimbestiga ng mga alegasyon ng korapsyon, dapat ding mabigyan ng pagkakataon ang mga nasasangkot na maipagtanggol ang kanilang sarili.
“At kung kailangan na may managot, at kung kailangan naman din nilang madepensahan ang kanilang sarili, ay magagawa naman po ito,” diin ni Castro.
Sinabi rin ni Castro na nananatiling mapagbantay ang pamahalaan laban sa mga iregularidad sa mga proyekto at transaksyon ng gobyerno.
“At sa lahat po ng nagsasagawa ng mga ma-anumalyang proyekto, ang gobyerno ay hindi po natutulog. Linisin natin ang bansa sa mga isyu ng korupsyon,” wika pa ni Castro.
Ayon pa kay Castro, isa ang kampanya laban sa korapsyon sa mga prayoridad na sinimulan ni Pangulong Marcos, at umaasa siyang magpapatuloy ito kahit matapos ang kasalukuyang administrasyon.
“Sinimulan na po ito ng Pangulo. Kaya sana ay magtuloy-tuloy ito kahit ang Pangulo ay natapos ng kanyang termino,” dagdag pa ni Castro.
Muling iginiit ng Palasyo ang pangako ng administrasyon na isulong ang transparency, pananagutan, at mabuting pamamahala, habang tinitiyak na ang lahat ng imbestigasyon sa mga alegasyon ng korapsyon ay isinasagawa alinsunod sa batas. KRIS JOSE