Home NATIONWIDE Suporta nababawasan na; boto “masasayang” lang COMELEC NAGLABAS NG ‘SCO’ SA LAGUNA...

Suporta nababawasan na; boto “masasayang” lang COMELEC NAGLABAS NG ‘SCO’ SA LAGUNA GOVERNOR, ASAWA

Laguna, Philippines – Walang naging epekto sa imbestigasyon ng Commission on Elections ang pag-atras ng apat na ‘complainant’ noong Lunes, Mayo 5, sa kanilang bintang na ‘vote buying’ at ‘abuse of state resources’ (“pagwawaldas”) kay Laguna Governor Ramil Hernandez at asawang kongresista matapos maglabas ng ‘show cause order’ laban sa kanila ang poll body.

Kapansin-pansin na Mayo 5 rin ang petsa ng SCO, kaparehong araw nang matanggap ng Comelec ang ‘withdrawal complaint’ nina Ma. Lantes Greganda, Darren John Catalejo, Alena Nicole Dequillo, at Niño Greganda.

Anila, wala silang kinalaman sa petisyon at “pineke” ang kanilang mga lagda.

Sa kabila nito, itinuloy ng Comelec ang paglalabas ng SCO sumunod na araw.

Batay sa dokumento na may lagda ni Comelec Kontra Bigay Vice Chairperson Teopisto Elnas, Jr., binigyan ng tatlong araw na walang palugit si Gov. Hernandez at asawang si Laguna Second District Congw. Ruth Hernandez, upang sagutin kung bakit hindi sila dapat matanggal bilang mga kandidato sa halalan sa darating na Lunes, Mayo 12.

Binabalak ni Hernandez na palitan si Congw. Ruth bilang kongresista sa ikalawang distrito ng Laguna habang papalitan naman siya ng asawa bilang gobernador ng lalawigan.

Ayon sa SCO, ang mag-asawa ay inakusahan ng paglabag sa Section 261 (vote buying/abuse of state resources) sa ilalim ng BP 881 (Omnibus Election Code) na sinusugan ng Comelec Resolution 11104.

Itinatakda ng nasabing resolusyon ang mga gawaing may kinalaman sa vote buying katulad ng paghahakot ng mga botante at pagwawaldas ng mga gamit at pondo ng gobyerno ng mga kandidato upang makapamili ng boto, na pawang kasama sa mga bintang laban sa mag-asawang Hernandez.

Samantala, nagsisimula na umanong mabawasan ng suporta ang mga Hernandez sa pangamba ng mga botante sa Laguna na “masasayang” lang ang kanilang boto dahil sa lumalaking posibilidad na tuluyan na silang alisin ng Comelec bilang kandidato sa araw ng halalan.

Sumambulat ang eskandalo matapos mahuli sa bayan ng Cabuyao ang isang babaeng tagasuporta ng mga Hernandez na may dalang higit 200 piraso ng Blue Cards noong isang linggo.

Ang nasabing health cards ay pinopondohan ng Laguna Provincial Government subalit ginagamit umano ng mga Hernandez sa kanilang pangangampanya at maituturing na “pagwawaldas” sa pera ng gobyerno.

Bago ito, sorpresang binisita ng COMELEC ang isang private warehouse ng mga Hernandez sa Calamba City kung saan naaktuhan ang daan-daang botante mula sa Cabuyao na tinipon para umano sa ‘poll watchers’ orientation.’

Bukod sa mga campaign materials, binibigyan ang mga dumadalo ng libreng pagkain at umano’y halagang P2,000 bawat isa.

Bunga nito, noong Mayo 1, naglabas ng babala ang COMELEC sa mga Hernandez at mga kandidato sa Laguna hinggil sa pang-aabuso sa ‘mga poll watchers’ at ‘coordinators seminars/orientation’ upang makapamili ng boto. RNT