MANILA, Philippines – Nagpapakita na mulat na ang taumbayan sa katiwalian at pang-aabuso kaya suportado nito ang House Quad Committee.
Ito ang pahayag ng ilang mambabatas bilang reaksyon sa lumabas na Pulse Asia survey na nagpapakita ng malaking suporta ng nakararaming Pilipino sa imbestigasyon ng Quad Committee sa ilegal na droga, extrajudicial killings (EJKs), at Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
.
Ayon kina Reps. Rodge Gutierrez (1-Rider Party-list), Zia Alonto Adiong (Lanao del Sur), Pammy Zamora (Taguig), Jay Khonghun (Zambales), Paolo Ortega V (La Union), Jil Bongalon (Ako Bicol Party-list), at Lordan Suan (Cagayan de Oro City), ang resulta ng survey ay isang malinaw na pagsuporta sa mga hakbang ng Kamara na panatilihin ang transparency at magkaroon ng pananagutan sa gobyerno.
Batay sa survey na isinagawa mula Nobyembre 26 hanggang Disyembre 3, 2024, 61% ng mga Pilipino ang sumusuporta sa imbestigasyon ng komite na binubuo ng Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, at Public Accounts.
Tiniyak ng mga mambabatas sa publiko na ang Kamara ay mananatiling matatag sa kanilang pangako na tuklasin ang katotohanan, panagutin ang mga sangkot, at magpatupad ng mga reporma upang maiwasan ang ganitong uri ng pang-aabuso sa hinaharap. Gail Mendoza