MANILA, Philippines – Ilang mambabatas ang kumambyo at binawi ang suporta sa isinusulong na anti-political dynasty bill sa katwirang mahina ang bersyon na inaprubahan ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms.
Binawi ni Caloocan Rep. Edgar Erice ang kanyang inihaing House Bill (HB) No. 2037.
Una nang inaprubahan ng komite ang substitute bill para sa anti-political dynasty na inakda nina House Speaker Faustino Dy at Majority Leader Ferdinand Sandro Marcos.
Sa ilalim ng panukala nina Dy at Marcos ay nilimitahan ang hindi makakatakbong kamag-anak sa second degree of consanguinity sa halip na sa orihinal na isinusulong na hanggang fourth degree.
Sinabi ni Erice na ang inaprubahang bersyon ay hindi na maituturing na anti-political dynasty dahil mas tataba at magiging “obese” na ang dynasty.
“It is clear in our Constitution, to the framers of our Constitution, that there are parameters on how to define a political dynasty. One, it should promote equal access and opportunities to ordinary citizens for public office. But here, you have 10 people from a political clan, all of whom can run for different posts,” paliwanag nito.
Dahil sa katwiran ni Erice ay binawi nya ang inihaing panukala na inaprubahan naman ni Committee chairperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong.
Sa panig ng Makabayan Bloc sinabi nito na kanilang babawiin din ang suporta sa panukala na inaprubahan ng komite.
“We, the Makabayan bloc, are withdrawing our support from the substitute anti-political dynasty bill being pushed by the House leadership. We restate our basic and non-negotiable position: we cannot support a bill that merely regulates political dynasties instead of prohibiting them, which is what the Constitution explicitly commands,” nakasaad sa statement ng Makabayan Bloc.
Sinabi ng grupo na malinaw ang nakasaad sa Saligang Batas na bawal ang political dynasty na sa bersyon na inaprubahan sa komite ay tila pagsang ayon.
“It is a mockery of the Constitution, and we refuse to be party to it,” paliwanag ng Makabayan Bloc.
Nanindigan ang grupo na hindi ito sasang-ayon at papagamit sa Kongreso na pakitang tao lamang sa pagsasabi na nagpasa ng anti-political dynasty bill subalit ang katotohanan ay puno ng “loopholes” at nagpatupad lamang ng “status quo” sa kasalukuyang estado ng political dynasty ng bansa.
Matatandaan na ang komite ay nagsagawa ng apat na committee hearing at apat na out of town public consultation na isinagawa sa Cavite, Cebu at Cagayan de Oro, layon nito na makatulong sa pagdraft ng substitute bill.
Ang substitute bill ay natapos na ng komite at kasunud nito ay pagsasagawa ng committee report na syang isusumite sa House Plenary para isalang sa ikalawang pagbasa. Gail Mendoza