MANILA, Philippines – Maaaring maharap sa reklamo ang Cebu-based vlogger na nagpanggap bilang isang suso at gumapang sa kalagitnaan ng highway sa Consolacion, northern Cebu.
Inirekomenda ng Highway Patrol Group sa Central Visayas (HPG-7) ang paghahain ng mga kaso laban sa vlogger na kinilala bilang si Boss LB, dahil sa pagdudulot ng abala at banta sa kaligtasan ng mga tao sa kanyang ginawa.
Inatasan ng HPG-7 ang legal team nito na tukuyin kung anong batas trapiko at iba pang batas ang nilabag ng vlogger.
Ito ay sa kabila ng paghingi ng tawad ng vlogger.
“This will serve as a final warning to anybody nga maghimo og blog sa mga lugar nga makarisgo and makasamok sa mga katawhan,” pahayag ni Police Col. Wilbert Parilla.
Sa viral video, makikita ang vlogger na si Boss LB na gumagapang sa highway sa Consolacion suot ang kulay green na costume na tila isang suso.
Nagdulot ito ng abala sa daloy ng trapiko dahil sa bagal nitong gumapang at nakaharang pa sa mga sasakyan. RNT/JGC