Home HOME BANNER STORY Suspected gunman ng Kidapawan broadcaster arestado

Suspected gunman ng Kidapawan broadcaster arestado

MANILA, Philippines – Arestado ang hinihinalang gunman na pumatay sa broadcaster na si Eduardo “Ed” Dizon sa Kidapawan City, North Cotabato noong 2019.

Ayon sa ulat ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) nitong Biyernes, Mayo 3, kinilala ang suspek na si Junell Jane Andagkit Poten o “Junell Gerozaga,” 33 anyos.

Si Poten ay naaresto sa Barangay Saguing, Makilala, Cotabato nitong Huwebes ng gabi nang makatanggap ang mga awtoridad ng impormasyon sa kinaroroonan niya.

Sinabi ng PTFoMS na si Poten ay may standing arrest warrant sa pagpatay sa radio anchor ng Brigada News FM.

Matatandaan na noong Hulyo 10, 2019 ay pinagbabaril ng dalawang armadong mga suspek si Dizon habang pauwi ito ng bahay sakay ng kanyang sasakyan.

Namatay on the spot ang brodkaster matapos magtamo ng limang tama ng bala ng baril.

Nitong Abril ay ipinag-utos ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang paglikha ng special investigation team na mag-iimbestiga sa pagpatay kay Dizon.

Ito ay makaraang malaman ng task force na pinayagan makapagpiyansa noong Marso ang mga akusado at ang utak ng krimen na sina Dante Encarnacion Tabusares o “Bong Encarnacion” at Sotero ‘Jun’ Jacolbe.

Ayon sa PTFoMS, pinagplanuhan ng mga suspek na patayin si Dizon dahil sa kritisismo nito kay Encarnacion at sa KAPA Ministry, na ipinasara ng gobyerno noong 2019 dahil sa pagiging “a front for financial scam.”

Si Encarnacion ay lider ng KAPA sa North Cotabato. RNT/JGC