Home NATIONWIDE Suspected NPA rebel patay sa sagupaan sa OrMin

Suspected NPA rebel patay sa sagupaan sa OrMin

MANILA, Philippines – Napatay ang hinihinalang rebelde ng New People’s Army sa engkwentro sa mga sundalo sa Mansalay, Oriental Mindoro.

Iniulat ni Colonel Jeffrex Molina, Army 2nd Infantry Division (2ID) public affairs office chief, nitong Sabado, Marso 15 na nagpapatrolya ang mga sundalo mula sa 4th Infantry Battalion nang abisuhan tungkol sa presenya ng hindi tukoy na bilang ng mga armadong kalalakihan sa Barangay Panaytayan nitong Biyernes ng hapon, Marso 14.

Dito na nagkaroon ng palitan ng putok na tumagal ng 15 minuto.

Umurong ang mga rebelde at naiwan ang katawan ng napatay nilang kasamahan.

Hindi na tinukoy sa ulat kung ano ang kasarian ng nasawing rebelde.

Wala namang nasawi mula sa hanay ng pamahalaan.

Narekober ng mga awtoridad sa encounter site ang isang M16 rifle.

Nanawagan naman si Major General Cerilo Balaoro Jr., 2ID commander, sa mga nalalabing rebelde ng NPA na sumuko na at manumbalik sa komunidad.

Inaalok ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-Clip) ng pamahalaan ang libreng gamutan, edukasyon, pabahay, at legal aid sa mga rebelde na nagnanais na sumuko.

Makatatanggap din ang bawat rebelde ng cash aid at iba pang benepisyo para makapagsimula ulit ang mga ito ng panibagong buhay. RNT/JGC