Home METRO Suspek sa Binondo chop-chop case, arestado

Suspek sa Binondo chop-chop case, arestado

211
0

MANILA, Philippines – Arestado sa ikinasang follow-up operation ng Pasay City Police ang isa sa dalawang suspek na di-umano’y sangkot sa pagpatay at pag-chop-chop sa katawan ng hindi pa nakikilalang biktima bago isinilid sa isang drum at inabandona sa Binondo, Maynila nitong nakaraang Linggo.

Kinilala ni Pasay City Police chief P/Col. Joselito De Sesto ang inarestong suspek na si alyas Victor, 64, interpreter, at residente ng Mactan Street, Barangay Baclaran, Parañaque City, habang patuloy namang pinaghahanap ang pangunahing suspek na napag-alamang isang Tsino.

Base sa report na isinumite ni De Sesto kay Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Randy Arceo, nadakip ang suspek sa isinagawang follow-up operation dakong alas-2:00 ng madaling araw ng Miyerkules (Pebrero 18) sa 2201 Residence Condominium, Roxas Boulevard Service Road, Barangay 13, Pasay City.

Sinabi ni De Sesto na naging matagumpay ang pag-aresto sa suspek sa pakikipag-ugnayan ng Highway Patrol Group–NCR (HPG-NCR) at ng Manila Police District (MPD).

Ayon kay De Sesto, nagkaroon ng lead ang imbestigasyon nang magtungo sa himpilan ng pulisya ang driver na si alyas Omar, 64, at ang may-ari ng kulay puting van na si alyas Francisco, 59, matapos mapanood ng mga ito sa balita sa telebisyon na ang kanilang sasakyan ang ginamit ng suspek sa pagtapon ng kulay asul na plastic drum na naglalaman ng mga putol-putol na bahagi ng katawan ng hindi pa nakikilalang biktima.

Sinabi ni alyas Omar na inupahan siya ng suspek sa halagang P2,500 sa kadahilanang maglilipat ng bahay.

Nagulat na lamang si alyas Omar nang sa kanyang pagdating ay isang drum na kulay asul ang kanyang isasakay sa van at ikinatwiran sa kanya na kemikal ang laman nito.

Sa nakalap na CCTV footage, nakita ang suspek na Tsino na nagtutulak ng kartilya na lulan ang kulay asul na drum, na kalaunan ay isinakay sa van.

Dagdag pa ni alyas Omar na kasama nila ni alyas Victor ang suspek na Tsino sa sasakyan hanggang sa makarating sila sa Delpan Sports Complex, sa kahabaan ng northbound lane ng Mel Lopez Boulevard, Barangay 275, Zone 3, Binondo, Maynila, bandang alas-7:30 ng gabi ng Pebrero 15, kung saan nila ibinaba at inabandona ang drum.

Nadiskubre lamang ang putol-putol na bahagi ng katawan ng hindi pa nakikilalang biktima nang buksan ito ng dalawang mangangalakal na sina alyas Jay at alyas James, na agad namang nagbigay-alam sa mga awtoridad.

Natunton ang kinaroroonan ni alyas Victor sa patuloy na pagsasagawa ng backtracking sa nakalap na CCTV footage at pakikipagkoordina ng driver, ng may-ari ng sasakyan, at ng security personnel ng gusali, na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.

Kasalukuyang nakapiit sa Investigation and Detection Management Section (IDMS) custodial facility ng Pasay City Police ang suspek habang inihahanda ang isasampang kasong murder laban sa kanya sa Pasay City Prosecutor’s Office.

“From the moment the drum was recovered in Binondo, our personnel immediately pursued every lead, validated every piece of information, and coordinated closely with all concerned units. This arrest proves that through perseverance and teamwork, justice will prevail. We assure the public that our investigation will continue until all those responsible, especially the principal suspect, are brought before the law,” ani Arceo.

— James I. Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here