MANILA, Philippines – Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 32-anyos na suspek na sangkot sa pagtarget ng mga negosyante at opisyal ng pamahalaan sa pamamagitan ng pekeng charity foundation.
Sa ulat, kinompronta ng mga ahente ng NBI Special Action Unit ang suspek sa isang buy-bust-style entrapment.
Naharang ang suspek matapos maiugnay sa isang grupo na umano’y kumukolekta ng pera mula sa mga negosyante at government official at nagpapanggap na isang charitable organization.
Ayon sa NBI, gumagamit ng money mules o bank account ang grupo sa ilalim ng ibang pangalan para ilipat o itago ang mga perang nakuha mula sa mga target.
“They introduce themselves using different names, claiming to hold high-ranking positions in government or to be well-known businessmen… and through that, they are able to solicit money,” sinabi ni NBI Director Melvin Matibag sa panayam ng GMA News.
May existing na warrant din ang suspek para sa statutory rape.
Samantala, itinanggi naman ng suspek ang mga alegasyon at sinabing siya ay nagtatrabaho sa Senado.
Mahaharap sa reklamong paglabag sa Anti-Financial Accounts Scamming Act ang suspek.
Natukoy naman na ang umano’y kasabwat nito. RNT/JGC