Home NATIONWIDE Pinay hinarang sa NAIA sa illegal surrogacy scheme abroad

Pinay hinarang sa NAIA sa illegal surrogacy scheme abroad

120
0

MANILA, Philippines — Hinarang ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 31-anyos na Filipina sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos madiskubre ang umano’y illegal surrogacy scheme na kinasasangkutan niya.

Ayon sa BI, papasakay sana ang babae sa Philippine Airlines flight patungong Hong Kong noong Marso 30, kung saan sinabi niyang isa siyang returning overseas Filipino worker (OFW) na magtatrabaho bilang domestic helper.

Gayunman, sa isinagawang beripikasyon ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES), napag-alamang may nakatakda pa siyang biyahe patungong Beijing, China at Tbilisi, Georgia, kung saan siya umano gagawing gestational surrogate mother.

Inamin ng biktima na nakipag-ugnayan sa kanya ang isang babaeng recruiter sa pamamagitan ng Facebook Messenger at inalok siya ng ₱490,000 kapalit ng pagbubuntis at panganganak.

Natuklasan din sa kanyang mga dokumento ang liham mula sa isang surrogacy facility sa Georgia, kung saan siya sasailalim sa in vitro fertilization (IVF).

Dahil dito, agad siyang isinailalim sa pangangalaga ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karampatang interbensyon at imbestigasyon.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, muling ginagamit ng mga human traffickers ang illegal surrogacy upang linlangin at pagsamantalahan ang mga Pilipino.

“Tuloy-tuloy ang ating pagbabantay upang mapigilan ang ganitong uri ng trafficking at mapanagot ang mga nasa likod nito,” ani Viado. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here