MANILA, Philippines- Ipinagpapalagay na nalutas na ng Quezon City Police District (QCPD) ang kaso ng pagdukot at pagpaslang sa isang negosyante sa lungsod nitong Enero 5, 2025 makaraang isa sa tatlong naarestong suspek ay responsable umano sa pagpatay sa naiulat na missing person noong 2022.
Ayon kay PCol. Melecio M Buslig Jr., QCPD Acting District Director, nitong Enero 13, 2025, si Ruby Gonzaga, nanay ng reported missing person na si Noel noong Marso 16, 2022, ay nagtungo sa QCPD.
Nauna rito, hiniling ni Ruby ang tulong ng QCPD makaraang mapanood sa balita sa telebisyon ang pagkakaaresto kay Noli Banegas Cape, isa sa umano’y tatlong naarestong salarin na sangkot sa pagdukot at pagpaslang sa negosyanteng residente ng lungsod.
Ayon kay Ruby, nanay ni Noel (ang naiulat na nawawala), magkaibigan ang kanyang anak at si Cape kung saan naniniwala siyang may nalalaman si Cape sa pagkawala ng kanyang anak.
Sinabi ni Ruby, huli niyang nakita ang anak nang umalis sa kanilang bahay sa Caloocan sakay ng motorsiklong kulay itim na Honda Beat motorcycle.
Aniya pa, simula noon ay walang tigil na ang kanilang paghahanap kay Noel na halos umabot na sa tatlong taon.
Dahil dito, agad na iniutos ni Col. Buslig kay PMaj. Don Don Llapitan, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), na komprontahin si Cape.
Ayon kay Llapitan, umamin si Cape sa kanyang partisipasyon at itinuro bukod sa sinamahan pa ang grupo ng CIDU kung saan itinapon ang bangkay ng biktima sa Pangarap Village, Brgy. 182, Caloocan City.
Kaugnay nit, nagsagawa ng pagsusuri ang CIDU sa lugar hanggang sa Casoy Street kung saan itinapon ang bangkay ni Noel.
Ayon kay Llapitan, kinumpirma naman ng may-ari ng lote na noong 2022, isang bangkay ng lalaki ang natagpuan sa lugar.
Nakipag-ugnayan ang CIDU sa Forensic Unit ng Caloocan City. Sa rekord sa forensic unit, positibong may natagpuang bangkay ng isang hindi nakikilalang lalaki sa lugar noong Marso 18, 2022.
Ipinakita naman kay Ruby ang mga litrato ng bangkay kung saan ay positibo niyang kinilala na si Noel o ang kanyang nawawalang anak ang nasa litrato.
Samantala, sinabi naman ni PCol. Buslig Jr. na ang Quezon City Police District (QCPD) ay patuloy na magsisilbing gabay at tagapagtanggol sa bawat mamamayan ng Quezon City. Santi Celario