MANILA, Philippines – Arestado ng mga awtoridad ang isa sa dalawang suspek na iniuugnay sa pagpatay at pagchop-chop sa isang lalaking biktima na isinilid sa loob ng isang blue na drum at itinapon sa Binondo, Maynila.
Ayon kay Pasay City Police chief Police Colonel Joselito de Sesto, natunton ng mga imbestigador ang pinagmulan ng drum sa isang condominium unit sa nabanggit na lungsod sa pamamagitan ng CCTV footage at intelligence operations.
Natanggap ng pulisya ang impormasyon mula sa driver at may-ari ng nirentahang van na ginamit para ibyahe ang parte ng mga katawan.
“So noong ma-backtrack namin sa CCTV, kasama po siya. So at that time, alas-dos ng madaling araw, inaresto na namin itong POI,” sinabi ni De Sesto.
Sa footage noong Pebrero 15 ay nakunan ang isang Chinese national, kasama ang security guard ng condo na hiningian nito ng tulong para itulak ang drum mula sa ika-15 palapag pababa sa ground level.
Tinukoy ang isa pang suspek na kinilalang si “Victor” na kalaunan ay dumating sa isang nirentahang puting van na ginamit para ibyahe ang drum.
Dahil dito ay inaresto ng pulisya si Victor habang ang principal suspect na isang Chinese national ay pinaghahanap pa rin.
Sa pag-inspeksyon sa condo unit ay nakita pa ang mga bakas ng dugo at mga body tissue sa loob ng kwarto.
Dito posibleng pinatay at pinutol-putol ang katawan ng biktima.
Batay sa inisyal na forensic examination ay nakita ang katawan ng biktima na tadtad ng saksak.
Ayon sa pulisya, pinaniniwalaang ang biktima ay isang Chinese dahil sa itsura nito ngunit hindi pa makumpirma. RNT/JGC