Home METRO Suspek sa pagnenok ng painting ni Amorsolo natukoy

Suspek sa pagnenok ng painting ni Amorsolo natukoy

BACOLOD CITY- Natukoy na ng mga awtoridad ang isa sa dalawang suspek na nanakaw sa 88 taong gulang na Mango Harvesters painting ni National Artist Fernando Amorsolo mula sa isang pribadong museo sa Silay City, Negros Occidental noong Miyerkules.

Sinabi ni Police Lt. Col. Mark Anthony Darroca, Silay police chief, positibong kinilala ang lalaking suspek ng isang pedicab driver na naghatid sa mga suspek sa city public plaza kung saan sumakay sila sa isang pampasaherong jeep sa lungsod na ito matapos nakawin ang painting mula sa Hofileña Museum sa Barangay 1 noong Miyerkules ng umaga.

Ani Darroca, tumugma ang paglalarawan ng pedicab driver sa isa sa mga suspek sa mugshot ng isa sa kanilang persons of interest dahil tinanggal umano ng suspek ang kanyang facemask habang sakay ng pedicab. Subalit, hindi niya natukoy ang babaeng suspek.

Inilahad niya na natunton ang pedicab driver sa pamamagitan ng closed-circuit television (CCTV) camera footage.

Subalit, sa kabila ng pagkakatukoy sa isa sa mga suspek, inihayag ng opisyal na hindi siya maaaring maglabas ng iba pang impormasyon.

Sinabi ni Darroca na isisiwalat nila ang pagkakakilanlan ng isa sa mga suspek kapag nakapaghain na sila ng kaso.

Nakipag-ugnayan na umano sila sa Bacolod City Police Office (BCPO) upang matunton ang mga suspek na kabilang sa grupong sangkot sa “salisi,” pagnanakaw, at iba pang krimen.

Naniniwala ang mga pulis na maaaring may nauna nang transaksyon ang mga suspek dahilan upang targetin ng mga ito ang obra mula sa iba pang painting na makikita sa ikalawang palapag ng museo na isa ring ancestral house ng pamilya Hofileña.

Pahayag ni Darroca, batay sa CCTV footage, kinuha ng lalaking suspek ang painting habang nagsilbing lookout ang babaeng kasamahan nito.

Maaari umanong mayroon pang ibang suspek sa insidente subalit hindi pa nila masabi ang naging partisipasyon ng mga ito dahil gumugulong pa ang imbestigasyon.

Nag-alok naman ng pabuya ang Silay City government para sa pagbawi sa painting.  

Bahagi ang Mango Harvesters painting na nilikha noong 1936 at may sukat na halos 12×18 pulgada, ng koleksyon ng pumanaw na si Ramon Hofileña, kilalang art curator sa lalawigan.

Tampok sa Hofileña Museum ang obra ng mga kilalang artist kabilang sina Juan Luna, Felix Resurrecion Hidalgo, Amorsolo, Ang Kiukok, Vicente Manansala, H.R. Ocampo, at BenCab. RNT/SA