Home METRO Ex-parak na lider ng gun-for-hire na pumatay sa Bulacan ABC pres, timbog

Ex-parak na lider ng gun-for-hire na pumatay sa Bulacan ABC pres, timbog

604
0

CAMP OLIVAS, Pampanga – Arestado na ng mga awtoridad ang dating pulis na suspek sa pagpatay sa ABC president sa lalawigang ito sa bisa ng Warrant of Arrest (WOA) sa Tanza Cavite nitong madaling araw Enero 14.

Sa pulong-balitaan bandang 5:00 ng hapon sa Balagtas hall, Hiyas ng Bulacan Convention Center, sinabi ni PCOL Angel Garcillano, Provincial Director ng Bulacan police, ang naarestong akusado ay si Ulysses Hernani Castro Pascual, 46, dating naitalaga sa CIDG at sa iba pang yunit ng pulisya, residente ng Brgy. San Roque, Navotas City.

Ayon kay Garcillano, isinilbi sa akusado ang WOA ng PIU katuwang ang Bulacan Mobile Force Company, Malolos City, Navotas City, Tanza police station at CIDG Cavite bandang 3:30 ng madaling araw sa Brgy. Tres Cruces, Tanza, Cavite.

Nabatid na ang WOA sa kasong dalawang bilang ng murder ay inisyu ng Regional Trial Court, Branch 11, City of Malolos noong Pebrero 20, 2025 ay walang inirekomendang piyansa.

Nasamsam ang Glock 9mm 43X pistol na may optic sight, may chamber load at magasin na kargado ng 15 bala sa akusadong nasa kustodiya ng nasabing yunit.

Ang akusado ay isa sa mga itinuturing na lider ng gun for hire na tumambang, rumatrat at nakapatay kina Hon. Ramil Capistrano ABC President ng Bulacan at sa kanyang driver na si Shedrick Toribio noong Oktubre 3, 2024 sa Brgy. Ligas, Malolos.

Pinuri ni PCOL Angel Garcillano. Provincial Director ang matapang at buwis buhay na operasyon ng PIU na pinangunahan ni PLTCOL Russel Dennis Reburiano at mga katuwang na kabaro sa paghuli sa akusado.

Mariing pinasalamatan din ni Garcillano sina Bulacan Governor Daniel Fernnado at Vice Governor Alex Castro na katuwang na nagsagawa ng pulong-balitaan at sa walang sawang pagsuporta sa mga awtoridad para maihatid ang hustisya sa mga biktima.

Pinasalamatan din ng ilang kaanak ng biktima na dumalo sa nasabing pulong-balitaaan si Fernando at Castro at ang pulisya sa pagdakip sa high-profile murder suspect. (Dick Mirasol III)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here