MANILA, Philippines- Nadakip ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isa pang suspek sa pagpaslang sa 2024 Mutya ng Pilipinas-Pampanga candidate na si Geneva Lopez at kanyang Israeli fiancé na si Yitshak Cohen.
Sa press statement, sinabi ng CIDG na naganap ang pag-aresto noong March 18, 2025, sa Barangay Care, Tarlac City, bilang bahagi ng umiiral na pagsisikap upang bigyan ng hustisya ang mga biktima at kanilang mga pamilya.
Ang suspek, kinilalang si “Jay,” ay nahuli ng CIDG Tarlac Provincial Field Unit sa ilalim ng Warrant of Arrest para sa murder (Article 248 of the Revised Penal Code), inisyu ng Regional Trial Court (RTC) Branch 109 of Capas, Tarlac noong March 10, 2025.
Si Jay ang ika-apat na suspek na naaresto mula sa limang akusado sa pagpatay kina Lopez at Cohen, at tinukoy siya ng CIDG bilang Most Wanted Person sa regional level sa Central Luzon.
Nasawi si Geneva Lopez at kanyang fiancé na si Yitshak Cohen noong July 6, 2024, nang madiskubre ang kanilang mga katawan sa isang quarry site sa Barangay Sta. Lucia, Capas, Tarlac.
“We call on the remaining individual to surrender to the authorities. The CIDG will continue to pursue all leads, and we will not rest until every criminal involved is brought to justice,” panawagan ni Police Maj. Gen. Nicolas D. Torre III, direktor ng CIDG. RNT/SA