Home NATIONWIDE Suspek sa pagsaksak kay Chow-chow, sinampahan ng kaso

Suspek sa pagsaksak kay Chow-chow, sinampahan ng kaso

MANILA, Philippines – Inihain ang criminal case laban sa hinihinalang animal abuser na nasa likod umano ng pananaksak sa isang aspin sa Mabalacat, Pampanga, sinabi ng Animal Kingdom Foundation (AKF) nitong Sabado, Abril 6.

Bandang 1:30 ng hapon nitong Biyernes, bigla umanong pumasok ang kapitbahay sa tirahan ng pamilya Reyes na may-ari ng asong si Chow-chow.

Dala ang kutsilyo ay walang-habas na pinagsasaksak ng suspek ang aso.

“The poor dog was seriously injured and was bleeding profusely so he was rushed to a nearby animal hospital,” saad sa Facebook post ng AKF.

Agad na nagsampa ng reklamo sa barangay ang pamilya Reyes at kalaunan ay ipinasa sa AKF para sa legal assistance.

Dahil dito ay kapwa naghain ng reklamo ang may-ari at ang AKF laban sa suspek.

Hindi pa tukoy kung ano ang motibo sa pananaksak sa aso.

Ani Reyes, kumakahol si Chow-chow nang bigla na lamang pumasok sa kanilang bahay ang suspek saka pinagsasaksak ang aso sa pwet nito.

“Let this be a stern warning to animal abusers, we will come after you and we will seek justice for the innocent animals,” babala ng AKF. RNT/JGC