MANILA, Philippines – Dapat na magpatuloy at maging ‘main priority’ ng bagong hepe ng Philippine National Police (PNP) ang internal cleansing sa ahensya, sinabi ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa nitong Sabado, Abril 6.
Ito ay upang mabawasan ang bilang ng mga pulis na sangkot sa mga illegal na gawain.
“Again, yung internal cleansing program ay dapat ipagpatuloy niya para mabawas-bawasan mga pulis natin na gumagawa ng kalokohan,” pahayag ni dela Rosa sa panayam sa radyo.
“Yes, dapat tuloy-tuloy ‘yan para sana to the minimum level ‘yong sana ma-achieve natin na number of abuses and mga kaso na ginawa ng ating mga kapulisan,” dagdag niya.
Noong Abril 1, itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Major General Rommel Francisco Marbil bilang bagong PNP chief.
Ani Dela Rosa, okay sa kanya ang desisyon ni Marbil na iwasan ang paggamit ng katagang “war on drugs” basta’t ipagpapatuloy ng pulisya ang layunin nitong sugpuin ang illegal na droga.
“Basta importante lang, bilang mandato ng PNP, ‘yung pagsugpo ng iligal na droga ay dapat gampanan nila yan. […] Dapat gampanan nila ang mandato na ‘yan,” dagdag ng senador. RNT/JGC