Home HOME BANNER STORY Suspek sa pamamaril at pagpatay ng 2 katao sa Parañaque, nahuli na

Suspek sa pamamaril at pagpatay ng 2 katao sa Parañaque, nahuli na

175
0

MANILA, Philippines – Makaraan lamang ang 48 oras ng patuloy na pagsasagawa ng manhunt operation ay nadakip na nang Parañaque City police ang walang habas na namaril sa basketball court ng isang condominium at nakapatay ng dalawang katao na ikinasugat ng apat na iba pang biktima kamakalawa.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Randy Arceo ang inarestong suspek na si alyas William, 59, residente rin sa isang unit ng condominium sa Barangay Marcelo Green, Parañaque City.

Sinabi ni Arceo na dakong alas 8:30 ng Biyernes ng gabi nang maaresto ang suspek sa isang condominium unit na pag-aari ng kanyang asawa sa Barangay Moonwalk, Parañaque City.

Ayon kay Arceo, binaril at napatay ng suspek ang mga biktima na kinilalang sina alyas Edwin, 52, at isang alyas Arjay, 29, habang apat na iba pa ang sugatan sa naturang insidente.

Sa imbestigasyon ay napag-alaman na dati nang may alitan tatlong buwan na ang nakararaan sina alyas William at alyas Edwin kung saan nasa ibaba lamang ng unit ng suspek ang tinutuluyang bahay ng biktima.

Malimit di-umano na sitahin ng suspek si alyas Edwin dahil naiingayan ito kapag nag-iinuman ang grupo ng biktima sa loob ng kanilang bahay.

Sa panig naman ng suspek, sinabi nito na nagpatong-patong na ang kanyang pinipigil na emosyon dahil sinisisi pa di-umano ni alyas Edwin na ang ina nito ay namatay dahil ang may kasalanan ay ang kumpanya ng suspek.

Sa patuloy na pagsasagawa ng imbestigasyon ay nadiskubre na ang suspek ay may kasong homicide sa Taguig noong 2012 kung saan nag-isyu ang Regional Trial Court (RTC) ng warrant of arrest noon pang Hunyo 2023.

Sa ikinasang operasyon ay narekober sa posesyon ng suspek ang dalawang 9mm pistol na may kasamang apat na magazine at mga bala.

Kasabay nito ay pinaiimbistigahan din kung papaano nakakuha ng firearm license ang suspek dahil may kasong homicide itong kinahaharap at naisyuhan pa ng warrant of arrest.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Parañaque City police ang suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng mga kasong double murder at multiple frustrated murder laban sa kanya sa Parañaque City Prosecutor’s Office.

“Within just over 48 hours from the commission of the crime, our personnel were able to identify, locate, and arrest the suspect through determined investigation and coordination among police units. The Southern Police District will continue to act swiftly to ensure accountability and protect our communities,” ani Arceo. James I. Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here