MANILA, Philippines- Arestado ang isang 28-anyos na suspek na umano’y nasa likod ng serye ng police-informant killings sa Caloocan.
Batay sa ulat nitong Biyernes, pinatay umano ng suspek ang police assets na tumutulong sa imbestigasyon ng guns-for-hire.
“Pinaghihinalaan niya na nagsumbong sa kaniya is inuunahan na po niya, binabaril niya,” pahayag ni Caloocan Police Station Investigation and Detective Management Branch chief Police Major Jansen Tiglao.
Nag-isyu ang Caloocan Regional Trial Court ng warrant of arrest laban sa suspek, habang tatlong murder cases ang isinampa laban sa kanya.
Dahil madalas makatakas ang suspek, nagpatulong ang Caloocan Police Intelligence sa Northern Police District Maritime Group at sa Special Action Force sa pagdakip sa suspek sa Camarin, Caloocan.
“Once na nakakita po siya ng tropang police o nakikilala niya na mga police ay kaagad [siyang] nagtatago sa mga kanal-kanal,” ani Tiglao.
Kasalukuyang nakaditene ang suspek, na pinabulaanan ang murder charge at mga akusasyong isa siyang gang member, sa Caloocan Police Custodial Facility. RNT/SA