MANILA, Philippines – Tatlong katao, kabilang ang isang 12-anyos na bata, ang nasawi habang tatlo pa ang nasugatan matapos mauwi sa umano’y shootout ang pagsisilbi ng warrant of arrest ng mga pulis sa Zamboanga City madaling araw ng Huwebes, Abril 23.
Base sa imbestigasyon, tadtad ng tama ng bala ang dingding ng bahay habang nagkalat ang mga basyo sa labas matapos ang insidente pasado alas-1:30 ng madaling araw.
“Kailangan ninyo pong managot kasi hindi po tama ang inyong ginawa. Kinuha niyo po ang buhay ng pamilya ko, ng papa ko, pinsan ko, at ng kapatid ko. Imagine, 12 years old, walang kamuwang-muwang tapos ganun ang nangyari,” ani Mohammad Asiri Alfad na kaanak ng mga biktima.
Ayon sa pulisya, nagsisilbi sila ng warrant of arrest laban kay Saddam Sadik kaugnay ng kasong murder. Sinabi ng Police Regional Office 9 (PRO-9) na nagpakilala muna ang mga tauhan ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines bago umano sila pinaputukan.
Gumanti umano ng putok ang mga awtoridad na nauwi sa palitan ng bala. Narekober sa lugar ang isang M16 rifle at isang hand grenade.
Pinabulaanan naman ng mga kaanak ng mga biktima na nanlaban ang mga napatay.
“Binaril po nang walang kamalay-malay. Natutulog lang po sila. Hindi po sila nanlaban,” ani Alfad.
Kinumpirma kalaunan ng mga awtoridad na ang suspek na nakapangalan sa warrant ay wala sa mga nasawi o nasugatan at wala rin sa loob ng bahay nang isagawa ang operasyon.
Sinabi ni Celso Lobregat, sekretarya ng alkalde, na magkaiba ang taong hinahanap sa warrant at ang mga biktima.
“One thing is clear. The first one that they were looking for in the arrest warrant was not the same person who was killed. I don’t want to call it mistaken identity. Iba yung tao sa search warrant at yung biktima,” ani Lobregat.
Ayon kay Police Brigadier General Erwin Quilates, bumuo na ng special investigation task group habang nagsasagawa rin ng imbestigasyon ang Commission on Human Rights. Mary Anne Sapico