MANILA, Philippines – Sinabi ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na maaaring magpatupad ang mga paaralan sa blended learning sa gitna ng tumitinding heat index o init ng panahon sa bansa dahil sa El Niño.
Sinabi ni Duterte na walang problema sa pagsususpinde ng mga klase ang mga local government unit dahil maaaring magpatupad ang mga paaralan ng blended o distance learning.
“Mayroon na po tayong order sa Department of Education na pwedeng mag-switch to blended learning ang ating mga paaralan kung meron silang nakikita na iba pang problema, kasama na dito kung mainit ang panahon, at kung merong baha o bagyo, nagsu -switch din tayo sa blended learning o distance learning,” anang Bise Presidente na siya ring DepEd secretary.
Sinabi ni Duterte kung walang in-person classes, nagpapatuloy pa rin ang pag-aaral ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng paggamit ng modules.
Ilang local government units (LGUs) sa hindi bababa sa limang rehiyon ang nagsuspinde ng personal na klase sa mga pampubliko at pribadong paaralan dahil sa matinding init.
Sinabi rin ni Duterte na nakausap niya ang regional director ng Department of Education para makipag-ugnayan sa Department of Health hinggil sa mga hakbang para maiwasan ang pertussis outbreak sa mga paaralan.
Dapat din aniyang makipag-ugnayan ang lokal na DepEd sa kani-kanilang regional health officials.
Ang iba pang mga programang pangkalusugan ay maaari ding isama sa kanilang Catch-up Fridays kung saan ang mga paaralan ay naglalaan ng kalahati ng araw sa mga aktibidad sa pagbabasa at ang kalahati sa mga pagpapahalaga, kalusugan, at edukasyon sa kapayapaan. Santi Celario