Home NATIONWIDE Suspensyon ng TIN sa tax exemption ng coop, inihirit sa DOF, BIR

Suspensyon ng TIN sa tax exemption ng coop, inihirit sa DOF, BIR

MANILA, Philippines – Hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Finance (DOF) at Bureau of Internal Revenue (BIR) na pansamantalang suspendihin ang panuntunan na nag-aatas sa miyembro ng kooperatiba na kumuha ng kani-kanilang tax identification number (TIN) bago ibigay ang tax exemption privileges sa kooperatiba.

Sa pahayag, tinutukoy ni Gatchalian ang Revenue Memorandum Order (RMO) No. 76-2010, na nagsasaad na lahat ng miyembro ng isang kooperatiba ay kinakailangang kumuha ng TIN, na isusumite kasama ng regular na paghahain ng annual income tax return ng kooperatiba.

Ipinunto ni Gatchalian na sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 9520, o ang Philippine Cooperative Code of 2008, at base sa joint rules na ipinalabas ng Cooperative Development Authority (CDA) at BIR, ang mga requirement para sa pag-iisyu ng Certificate of Tax Exemption (CTE) ay walang kasamang TIN para sa lahat ng miyembro ng kooperatiba.

“Ang patakarang pagkuha ng TIN bago makakuha ng CTE ay nakaapekto sa ating mga kooperatiba kaya kinakailangan na itong suspindihin dahil lumilikha ito ng kalituhan,” sabi ni Gatchalian kamakailan sa isang public hearing ng Senate Committee on Ways and Means hinggil sa isyu.

Ayon sa chairperson ng Senate Committee on Ways and Means, ang pagpapatupad ng naturang requirement ay depende minsan sa interpretasyon ng regional district office (RDO). “Kaya pabalik-balik ang mga coops dahil iba-iba ang interpretasyon ng mga kausap nilang RDO at doon nagkakaroon ng problema ang mga miyembro,” aniya.

Dahil sa nasabing requirement, maraming kooperatiba ang nagsabi na hindi nila makuha o mai-renew ang kanilang mga CTE, na nagdudulot ng mga pinansiyal na pasanin. Ibinahagi nila ang mga paghihirap na naranasan ng kanilang mga miyembro sa pagkuha ng mga TIN, tulad ng mga aberya sa online system ng BIR, kawalan ng birth certificates, hindi maayos na koneksyon sa internet, karagdagang pinansiyal na pasanin, at kawalan ng kakayahang umalis sa trabaho sa bukid, bukod sa iba pa.

“Paano matutulungan ng mga kooperatiba ang mga mahihirap nating kababayan at paano natin sila mahihikayat na magparehistro sa BIR kung sila mismo ay nadi-discriminate dahil lamang sa isang kautusan ng ahensiya? Kung sino pa ang nangangailangan sila pa ang pinahihirapan. Naniniwala tayo sa direksyon ng mga coop bilang isang paraan upang malunasan na ang kahirapan sa bansa. Huwag na nating dagdagan ang pahirap sa mga coop dahil mahihirap na nga ang mga kliyente nila,” pagtatapos ni Gatchalian. Ernie Reyes