BAGGAO, Cagayan – Hindi na umabot nang buhay ang isang kilalang doktor matapos mahulog ang minamanehong sasakyan sa isang tulay sa isang sitio ng nasabing bayan kagabi.
Kinilala ang biktima na si Dr. Nixon Cabucana, isang kilalang lingkod-bayan at Gintong Medalya Awardee for Community Development sa taunang Dangal ng Lahing Cagayano 2025.
Ayon kay PLTCOL. Rovelita Aglipay, hepe ng Baggao Police Station, si Dr. Cabucana ay bumibiyahe papuntang Tuguegarao nang biglang bumuhos ang malakas na ulan.
Dakong alas-8:11 ng gabi, kasagsagan ng ulan, tumawag ang mga residente upang iulat ang isang sasakyang nahulog sa tulay sa nasabing sitio.
Ang lugar ay masukal at may mga damo na nagsisilbing palatandaan ng tulay, ngunit dahil nawala ang mga ito, hindi na natantsa ni Dr. Cabucana ang kinaroroonan ng tulay.
Nabatid na may buhangin sa bahagi ng tulay na posibleng naging sanhi ng pagdulas at pagkahulog ng sasakyan.
Natagpuan ang sasakyan na nakabaligtad, nakataas ang mga gulong, at nakalubog ang kalahati sa tubig.
Si Dr. Cabucana ay mag-isang sakay ng sasakyan at nakitang nakaseatbelt, subalit ang kanyang ulo ay nakalubog sa tubig.
Agad siyang sinagip ng mga awtoridad mula sa Rescue 116 at isinugod sa Baggao District Hospital, ngunit idineklara siyang dead on arrival. Posibleng pagkalunod ang naging sanhi ng kanyang pagkamatay matapos hindi na mailigtas mula sa pagkakalubog ng kanyang sasakyan.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad habang nagtutulungan ang kapulisan at komunidad sa pag-angat ng sasakyan mula sa pinangyarihan ng insidente. Rey Velasco