MANILA, Philippines – Nanatiling “neutral” ang net satisfaction rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa -3, ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Ang nationwide survey ay isinagawa mula Nobyembre 24 hanggang 30, 2025 at inilabas nitong Martes. Ang -3 na rating ay bahagyang mas mataas ng dalawang puntos mula sa -5 noong nakaraang quarter.
Ipinaliwanag ng SWS na kinukuha ang net satisfaction rating sa pamamagitan ng pagbabawas ng porsiyento ng hindi nasisiyahan mula sa porsiyento ng nasisiyahan. Sa survey, 40% ng mga Pilipino ang satisfied kay Marcos, 17% ang undecided, at 43% ang dissatisfied.
Ayon sa SWS, halos walang malaking pagbabago kumpara noong Setyembre 2025: nanatili sa 39% ang gross satisfaction, 17% ang undecided, at bahagyang bumaba lamang ang gross dissatisfaction mula 44%.
Sa regional breakdown, pinakamataas ang net satisfaction rating ni Marcos sa Balanced Luzon na may “moderate” +13, mas mataas ng limang puntos mula sa +8 noong nakaraang quarter. Sumunod ang Visayas sa +2, tumaas ng 10 puntos mula sa -8.
Samantala, bumagsak naman ang rating sa Metro Manila mula “neutral” patungong “poor,” mula -2 noong Setyembre hanggang -17 sa kasalukuyang survey. Pinakamababa ang rating sa Mindanao sa -29, halos walang pagbabago mula sa -28 noong nakaraang quarter.
Ang survey ay isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 na Pilipinong may edad 18 pataas sa buong bansa. RNT/MND