MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Martes ang umento sa sahod ng mga empleyado ng Government-Owned or -Controlled Corporations (GOCCs), kasama ang medical allowance na nakadepende sa kakayahan ng bawat GOCC.
“I have approved the Compensation and Position Classification System II that will increase the salaries of GOCC employees. Well-deserved naman,” pahayag ni Marcos sa 2025 GOCCs Day sa Malacañang.
Para sa mga GOCC na nakapagpatupad na ng CPCS I, magiging retroactive sa Enero 1, 2025 ang umento kapag nakuha na nila ang Authority to Implement mula sa Governance Commission for GOCCs.
Tinukoy ni Marcos ang GOCCs bilang mahalagang instrumento ng paglago at katarungan, dahil sa kanilang kontribusyon sa pagpapatayo ng imprastraktura, pagpapalawak ng serbisyo, at pagtulong sa mga komunidad na matagal nang napapabayaan.
Sa kabilang banda, hinamon ni Marcos ang GOCCs employees na umiwas sa red tape para mabigyan ang publiko ng nararapat na serbisyo.
”My challenge to our GOCCs is to invest in modern technology, simplify our processes, and cut down on red tape so that every Filipino enjoys easy, fair, and dignified access to the services that they deserve,” ani Marcos sa kanyang talumpati. RNT