Home HOME BANNER STORY Taas-singil sa kuryente sa Marso, inanunsyo na ng Meralco

Taas-singil sa kuryente sa Marso, inanunsyo na ng Meralco

257
0

MANILA, Philippines — Asahan ng mga customer ng Manila Electric Company (Meralco) ang mas mataas na singil sa kuryente ngayong Marso matapos magpatupad ang kumpanya ng dagdag na P0.6427 kada kilowatt-hour (kWh) dahil sa pagtaas ng transmission at generation costs.

Sa advisory nitong Martes, sinabi ng Meralco na umabot na sa P13.8161 kada kWh ang kabuuang rate para sa karaniwang household mula sa P13.1734 kada kWh noong Pebrero.

Katumbas ito ng humigit-kumulang P129 na dagdag sa buwanang bayarin ng isang household na kumokonsumo ng 200 kWh.

Ayon sa Meralco, pangunahing dahilan ng pagtaas ang P0.2880 kada kWh na dagdag sa transmission charge para sa residential customers bunsod ng 70% pagtaas sa ancillary service charges ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) mula sa Reserve Market.

Tumaas din ang generation charge ng P0.2209 kada kWh sa P7.8607 kada kWh. Dagdag ng Meralco, ang fixed charges mula sa ikalawang extension ng Power Purchase Agreement sa First Gas–Sta. Rita ay nagdagdag ng humigit-kumulang P0.38 kada kWh sa generation charge, na bahagyang nabawasan ng P1.0952 kada kWh na pagbaba ng singil mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) dahil sa pagbuti ng supply sa Luzon grid.

Kasama rin sa generation charge ang P0.2817 kada kWh contract price adjustment ng ACEN Corporation, Panay Energy Development Corp., South Premiere Power Corp., at Sual Power Inc. na inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Samantala, ang iba pang singil kabilang ang buwis ay nagkaroon ng net increase na P0.1338 kada kWh. Ipinatupad din sa billing ngayong buwan ang bagong uniform national lifeline subsidy rate na P0.01 kada kWh alinsunod sa direktiba ng ERC.

Ipinaliwanag ng Meralco na ang pass-through charges para sa generation at transmission ay binabayaran sa mga power supplier at grid operator, habang ang buwis, universal charges, at renewable energy subsidies ay ipinapasa sa pamahalaan.

Sinabi rin ng kumpanya na hindi nagbago ang distribution charge nito mula nang magkaroon ng P0.0360 kada kWh na pagbaba noong Agosto 2022.

Hinimok ng Meralco ang mga consumer na magpatupad ng energy efficiency upang mapangasiwaan ang konsumo lalo na sa harap ng tumataas na presyo ng fuel at papalapit na dry season kung kailan tumataas ang demand sa kuryente. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here