TABACO CITY, Albay — Nagdeklara ng state of calamity ang Sangguniang Panlungsod ng Tabaco City dahil sa patuloy na pagliligalig ng Bulkang Mayon.
Ayon sa resolusyong may petsang Enero 20, kinakailangan ang deklarasyon dahil inutusan ang mga residente sa loob ng anim na kilometrong permanent danger zone (PDZ) na lumikas habang nananatiling Alert Level 3 ang Mayon.
Ang state of calamity ay nagbibigay-daan sa lokal na pamahalaan na gamitin ang Quick Response Fund sa ilalim ng Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF) para sa mga operasyon ng pagtugon sa sakuna.
“Whereas, there is a need to declare a State of Calamity to enable the City Government of Tabaco to utilize the Quick Response Fund under the Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF) for disaster response operations and to undertake other related emergency measures for disaster preparedness and avoidance,” ayon sa resolusyon.
Ayon din sa resolusyon, 489 pamilya o 1,787 indibidwal ang nakalikas sa Tabaco City, na siyang pinakamataas na bilang ng mga internally displaced persons sa buong lalawigan ng Albay.
Itinaas ang Alert Level 3 sa Mayon dahil sa banta ng pyroclastic density currents. Mary Ann Sapico