MANILA, Philippines – Inanunsyo ng PAGASA ang pagtatapos ng Amihan at pagsisimula ng mainit at tuyo na panahon sa bansa.
Ayon sa ahensya, nagbago ang direksyon ng hangin dahil sa high pressure area, na senyales ng pagpasok ng dry season.
“The shift of wind direction from northeasterly to easterly due to the formation of the High Pressure Area (HPA) over the Northwestern Pacific signifies the termination of the Northeast Monsoon and the start of the warm and dry season,” ayon sa PAGASA.
Kinumpirma rin ni PAGASA administrator Dr. Nathaniel Servando ang pagsisimula ng mainit na panahon. “Nagtapos na ang Northeast Monsoon season at hudyat na ng mainit at maalinsangan na panahon,” aniya.
Pinayuhan ang publiko na mag-ingat sa init at dehydration.
Ayon kay senior weather specialist Dr. Joseph Bascocillo, inaasahang tataas ang temperatura sa Abril at Mayo na maaaring umabot sa 35°C hanggang 39°C sa Metro Manila.
“Maaari natin itong ikabit sa epekto ng heat index, kaya pinapayuhan ang publiko na patuloy na nakaantabay sa ating pag-issue ng daily heat index forecast,” aniya.
Sinabi naman ng PAGASA na mas mainit pa rin ang naranasan noong 2024 dahil sa El Niño.
Binabantayan din ang posibilidad ng panibagong El Niño na maaaring magdulot ng tagtuyot hanggang 2027. RNT