Home NATIONWIDE Tag-ulan posibleng magsimula sa unang linggo ng Hunyo – PAGASA

Tag-ulan posibleng magsimula sa unang linggo ng Hunyo – PAGASA

MANILA, Philippines – Posibleng mas mapaaga sa unang linggo ng Hunyo ang pagpasok ng panahon ng tag-ulan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (Pagasa) nitong Lunes, Mayo 27.

Ayon kay Pagasa weather specialist Benison Estareja, ang pagpasok ng tag-ulan ay posibleng dahil sa bagyong Aghon na magpapalakas ng southwesterly wind flow at magdadala ng mga pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas.

“Kung pagbabasehan natin ‘yung mga posibleng umiral na hangin at umiral na ulan sa mga susunod na araw, hindi natin inaalis ‘yung chance na magkakaroon tayo ng pagsisimula ng tag-ulan as early as next week, ‘yon na ‘yung pinakamaaga,” ani Estareja.

“Pero for this week, mababa pa ‘yung chance,” dagdag niya.

Ang southwesterly wind flow ay posibleng magdala ng mga pag-ulan sa Western Visayas, Mimaropa, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, at Ilocos Region.

Sa kabila nito, posible pa ring maitala ang dangerous-level heat index lalo na sa silangang bahagi ng bansa sa kabila ng posibleng pagsisimula ng tag-ulan sa susunod na linggo.

“Posible pa rin na makapagtala tayo ng mga dangerous levels of heat index dito sa may eastern side.”

“Kasi posibleng magkaroon ng pagulan for this week ay ‘yung western side so maaaring sa may Eastern Visayas, Central Visayas, Caraga Region, Davao Region, Northern Mindanao and then parts of Bicol Region posible makaexperience pa rin ng matatas na heat indices,” dagdag pa niya. RNT/JGC