Home OPINION TAHIMIK SA TRABAHO VS MAINGAY NA VLOGGERS SA PANINIRA

TAHIMIK SA TRABAHO VS MAINGAY NA VLOGGERS SA PANINIRA

158
0

HABANG may mga Pilipinong stranded sa ibang bansa na ang tanging dasal ay makauwing buhay at ligtas, may ilan namang hindi pa rin mapigilang gawing entablado ng pulitika ang isang usaping dapat sana’y purong makatao.

Sa gitna ng lahat ng ito, kapansin-pansin ang tahimik ngunit seryosong pagkilos ng Department of Migrant Workers sa pamumuno ni Secretary Hans Leo Cacdac. Habang ang ilan lalo na ang mga vlogger ay abala sa opinyon at pag iingay sa media, ang DMW ay nakatutok sa mas mahalagang misyon—ang ligtas na paglikas at maayos na pagbabalik-bansa ng may humigit-kumulang 300 nating mga OFW. Walang drama. Walang labis na pagpapopogi. Basta para sa DMW, trabaho lang.

Habang inaasikaso ang mga OFW sa kanilang pag uwi sa kanilang lalawigan, ilang bayarang vlogger ang hindi magkamayaw sa kababatikos sa ahensya na gustong ipangalandakan na mahina ang gobyerno.

Ang repatriation na ginagampanan ng DMW ay hindi palabas. Ayon kay Cacdac, hindi ito ginagawang paligsahan kung sino ang unang nagpa-press release, sino ang may pinakamagandang larawan, o sino ang pinakamalakas mag-angkin ng kredito.

Ang repatriation ay tungkol sa buhay. Tungkol ito sa pamilyang nag-aantay. Tungkol ito sa mga OFW na sa loob ng maraming taon ay nagsakripisyo para sa kanilang mahal sa buhay at para sa ekonomiya ng bansang matagal nilang pinagsilbihan kahit malayo sila rito.

Masakit isipin na habang ang gobyerno ay nagsisikap na magligtas at magpauwi ng mga kababayan, may ilan pa ring walang tigil sa paninira sa bawat hakbang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Sa halip na suportahan ang isang makataong layunin, mas pinipili nilang hanapan ito ng bahid, butas, at pulitikal na anggulo. Parang sa kanila, mas mahalaga ang pagkakamali ng gobyerno kaysa kaligtasan ng Pilipino.

Sa huli, ang tunay na laban ay hindi lamang kung sino ang mas maingay sa kamera o mas mabilis maglabas ng pahayag. Ang mas mahalaga ay kung sino ang tunay na kumikilos para sa kapakanan ng Pilipino.

Kung nais nating maitaguyod ang makabago, maayos, at makataong pamamahala sa gobyerno, kailangang manaig ang pagkakaisa at solidong samahan kaysa ingay ng pulitika.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here