MANILA, Philippines – Nadakip sa ikinasang follow-up operation ng Pasay City police Huwebes ng hapon (Pebrero 19) ang isang Taiwanese national na siyang tinaguriang mastermind sa pagpatay at pagchop-chop ng katawan ng biktima bago isinilid sa kulay asul na drum at nadiskubreng abandonado sa Binondo nitong nakaraang Pebrero 15.
Sa pagsasagawa ng patuloy na follow-up operation na pinamunuan ni Pasay City police chief P/Col. Joselito De Sesto ay nasakote si alyas Davao, 32, na pangunahing suspek sa pagpatay at pagchop-chop ng katawan ng biktima na isang Chinese national na kinilalang si alyas Xiangyang.
Base sa report na isinumite ni De Sesto kay Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Randy Arceo ay napag-alaman na inaresto ang si alyas Davao dakong ala 1:30 Huwebes ng hapon sa loob ng Okada Hotel and Casino along Seaside Boulevard, Parañaque City.
Ayon kay De Sesto, natunton ang pagkakakilanlan ni alyas Davao base sa S&R Membership Shopping Card na narekober sa lugar ng panangyarihan.
Sinabi ni De Sesto na bukod sa narekober na S&R Membership Shopping Card ay malaki rin ang naitulong sa pagkakaaresto kay alyas Davao ng live-in partner nito na nakapagbigay ng mahalagang impormasyon sa pagsasagawa ng imbestigasyon gayundin sa tulong ng hotel management at ang pagsisikap ng mga tauhan ng Pasay City police upang matunton ang kinaroroonan ng suspek.
Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) ng Pasay City police ang suspek habang inihahanda ang kasong murder laban sa kanya sa Pasay City Prosecutor’s Office. (James I. Catapusan)