Home NATIONWIDE Mga residenteng apektado ng pagsabog ng Kanlaon, nakaranas ng ashfall

Mga residenteng apektado ng pagsabog ng Kanlaon, nakaranas ng ashfall

201
0

MANILA, Philippines – Naranasan ang ashfall sa mga komunidad malapit sa Bulkang Kanlaon sa Negros Island Region kasunod ng moderately explosive eruption nitong Huwebes ng hapon, Pebrero 19, 2026.

Apektado ang ilang bahagi ng Barangay Ma-ao Barrio sa Bago, Negros Occidental, kung saan makikita sa video na nabalutan ng kulay abong volcanic ash ang lupa at mga halaman.

Ayon sa PHIVOLCS, naganap ang pagputok alas-4:38 ng hapon at tumagal ng dalawang minuto batay sa seismic recordings. Nagbuga ang bulkan ng dark gray eruption plume na umabot sa 2,000 metro ang taas mula sa crater, at nakuhanan ito ng larawan at video ng mga residente sa kalapit na lugar.

Pinayuhan ng PHIVOLCS ang publiko na takpan ang ilong at bibig gamit ang malinis at basang tela sakaling magkaroon ng ashfall. Dapat ding isara ang mga pinto at bintana at takpan ang anumang siwang gamit ang basang tela. Pinayuhan din ang mga residente na panatilihing nakasara ang mga lalagyan ng pagkain at hugasang mabuti ang mga prutas at gulay bago kainin upang maiwasan ang kontaminasyon.

Nanatiling nakataas ang Alert Level 2 sa Bulkang Kanlaon, at mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng apat na kilometrong permanent danger zone (PDZ). Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here