Home METRO Tanod itinumba ng kainuman

Tanod itinumba ng kainuman

MANILA, Philippines – Itinumba ang isang barangay tanod matapos pagbabarilin ng kanyang kainuman nitong Biyernes sa Tondo, Maynila.

Sa imbestigasyon ng Manila Police District -Homicide Section, inimbitahan ng suspek na si Renz Reniel Gutierrez, 34 anyos, ang biktima na si Jonathan Riso, 62 anyos para mag-inuman sa kanilang bahay.

Sa kasagsagan ng kanilang tagayan bandang alas kwatro ng madaling araw, bigla na lamang umanong pinagbabaril ng suspek ang biktima.

Wala namang nagawa kundi nagpulasan ang ibang kainuman dahil sa gulat sa biglaang pangyayari.

Ang suspek ay agad na tumakas matapos ang pamamaril na ngayon ay tinutugis na ng mga awtoridad.

Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ay nangangalap pa ng iba pang impormasyon ang pulisya sa motibo ng pagpatay ng suspek sa biktima. Jocelyn Tabangcura-Domenden