MANILA, Philippines – Patay ang isang barangay tanod nang saksakin ng lalaki na kanilang hinabol matapos magnakaw ng e-bike sa Binondo, Maynila nitong Lunes, Pebrero 17.
Naisugod pa sa Justice Jose Abad Santos General Hospital ang biktima na si Peton Biazon y Algabre, 28, tanod ng Brgy. 281 at residente sa I-Pacific Residence sa No. 468 Lavezares St., Binondo, Manila.
Sa imbestigasyon at base sa mga testigo, may ninakaw na e-bike sa bahagi ng Elcano St., kung saan agad rumesponde ang mga barangay tanod kasama ang biktima.
Pagdating sa nasabing lugar, nakita nila ang isang lalaki na nakasuot ng black cap, white t-shirt, shorts at tsinelas na itinutulak ang e-bike patungong Lavazares St.
Kanilang kinompronta ang suspek na nagawang makatakas na nagresulta sa habulan.
Nang makorner ang suspek sa intersection ng Lavezares Street at Sevilla Street, naglabas ng screw driver ang suspek at sinaksak ang biktima sa leeg bago tunakas.
Agad na itinakbo ang biktima sa naturang ospital ngunit binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas.
Nagsagawa ng follow up at backtracking operations ang pulisya na nagresulta sa pagkaaresto sa suspek na si Ivan Seltiel Domingo, 26 anyos at residente rin sa Labezares St., Binondo, Maynila. Jocelyn Tabangcura-Domenden