MANILA, Philippines – Itinanggi ng Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes, Pebrero 17 ang mga alegasyon ng panibagong data breach sa kanilang sistema.
Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na walang nangyaring hacking incident sa website o social media accounts nito.
Ayon kay Garcia, kanila nang kinounter-check at bineripika at kahit sa DICT ay nakipag-ugnayan na rin aniya sila pero negative sa hacking maging ang lahat ng kanilang social media pages, at website ng Comelec.
Aniya, pinakilos na ng komisyon ang kanilang IT personnel upang masiguro na ang kanilang sistema ay intact at secure.
Inanunsyo rin ni Garcia na target na matapos ng komisyon ang ballot printing sa Marso 9 o 10.
Sinabi ni Garcia nitong Lunes, Pebrero 17, mahigit 43 milyong balota na ang naimprenta o humigit-kumulang 43% ng mga kinakailangan sa balota para sa midterm polls.
Umaasa rin si Garcia na aabot na sa 50% ang maimprentang balota sa susunod na mga araw.
“Mukhang makakapag-adjust kami ng katapusan ng printing hopefully mga March 9 or March 10 kung saka-sakali. Yung natitirang araw hanggapng April 14 – yun na lang yung araw para sa verification,” sabi ni Garcia. Jocelyn Tabangcura-Domenden