SANTIAGO CITY – Balik-kulungan ang isang barangay tanod matapos maaresto sa ikinasang drug buy-bust operation ng City Intelligence Unit katuwang ang Station 1 ng Santiago City Police Office o SCPO sa CM Recto St. Purok 3, Barangay Calao West, Santiago City.
Sa ipinarating na ulat kay PCol. Tirso Manoli, City Director ng Santiago City Police Office ang suspek ay kinilala ang suspek na si David Paciente King, 42 anyos, binata at residente sa nabanggit na barangay.
Nadakip ang suspek matapos di umano nitong bentahan ng ilegal na droga ang isa sa mga operatiba kapalit ang dalawanglibo at limandaang piso (P2,500.00).
Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang isang pakete ng hinihinalang shabu, dalawang libong piso na boodle money at cellphone.
Nabatid na ito na ang pangalawang beses na nahuli sa parehong kaso ang suspek matapos na madakip noong taong 2016.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Rey Velasco