Sinabi ng Department of Health na hinihintay nito ang ulat ng Philippine General Hospital (PGH) kung ang pagtaas ng kaso ng pneumonia sa pasilidad ay dahil sa mycoplasma pneumoniae.
Ayon kay DOH Undersecretary Enrique Tayag sa panayam sa dzBB ang mycoplasma pneumoniae ay isang bacteria na sanhi ng “walking pneumonia.”
“Kaya ‘walking’ kasi hindi akala ng tinamaan nito na mayroon pala siyang pneumonia kasi kaya niyang pumasok ng trabaho, paaralan,” sabi ni Tayag.
“Pero kapag pina-examine iyong x-ray, teka muna may pneumonia ka”, saad ni Tayag.
Ayon kay Tayag, ang China at Netherlands ay nag-ulat ng hindi pangkaraniwang pagtaas ng mga kaso ng pneumonia dahil sa mycoplasma pneumoniae.
Nang tanungin kung ang pag-akyat ng mycoplasma pneumoniae ay maaaring humantong sa isang pandemya, sinabi ni Tayag na mahirap sabihin sa puntong ito.
Una nang iniulat ng PGH ang pagtaas ng pneumonia cases sa ospital.
Ang mga sintomas ng pneumonia ay hirap sa paghinga, pananakit ng dibdib at tuloy-tuloy na lagnat. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)