MANILA, Philippines – Nalampasan na ng Commission on Elections (Comlec) ang target nitong 1.4 milyong bagong botante para sa 2026 Barangay at Sangguniang Kabataang Elections (BSKE).
Sa datos ng komisyon, mahigit sa dalawang milyong Filipino o kabuuang 2,382,364 indibidwal na ang nakapagrehistro para makaboto.
Ang Region IV-A o CALABARZON ang nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng registrants na may 424,454.
Sinundan ito ng Region III (Central Luzon) na may 280,637 at ang National Capital Region na may 253,202.
Samantala, nasa 3,279 applicants naman ang nagparehistro sa pamamagitan ng Special Register Anywhere Program (SRAP) site sa Comelec main office sa Intramuros, Manila.
Ipinagpatuloy ang nationwide voter registration para sa BSKE 2026 noong Oktubre 20, 2025 at tatakbo hanggang Mayo 18, 2026 mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, Lunes hanggang Linggo.
Sa Bangsamoro region, umabot ang voter registration sa 2026 BSKE at Bangsamoro parliamentary elections ng 23,332 applicants kung saan 11,559 ang babae at 11,773 ang lalaki.
Nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng aplikante ang Lanao del Sur na nasa 704 at sinundan ng Maguindanao del Sur na nasa 587; sa Special Geographic Areas (SGAs) sa Cotabato ay may 546; Maguindanao del Norte na may 533; at 439 sa Basilan.
Nagtala naman ng pinakamababang bilang ng aplikante ang Tawi-Tawi na mayroon lamang 317. Jocelyn Tabangcura-Domenden