MANILA, Philippines – INILAGAY ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang unit nito sa ilalim ng red alert status bilang paghahanda sa mga public assembly para sa ika- 40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa Pebrero 25.
Sinabi ni AFP spokesperson Colonel Francel Margaret Padilla na ang red alert ay isang standard readiness measure upang matiyak na ang mga tropa at resources ay naka-standby sa mga pagkakaton na kailangan ng Philippine National Police (PNP) ng tulong.
“As early as 21 February, we have already raised our status to Red Alert. So, ibig sabihin nyan, naka-standby na po ang ating tropa for any eventuality,” ani Padilla.
“So, ang resources po natin, troops ready for deployment if need be po. So, augmenting pa rin tayo under the [National Capital Region Command] for this,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, sinabi ni Padilla na wala naman silang na-monitor at naiulat na ‘significant threats’ sa EDSA-related activities.
Muling inulit ng militar ang commitment nito na manatiling non-partisan at mag-pokus lamang sa constitutional mandate nito.
“Ang AFP po, malinaw po ang aming papel dito sa magaganap. Hindi po kami referee ng politika. Ang mandato po namin ay seguridad. We respect the people’s right to assemble. And at the same time, we ensure that peace and order are preserved,” ang tinuran ni Padilla.
Samantala, nakatakda namang magdaos ng third iteration ng Trillion Peso March ang ilang grupo upang mag-protesta laban sa korapsyon at political dynasty sa Pebrero 25. Kris Jose