Home NATIONWIDE Tarriela: Kilos ng research vessel ng Tsina sa Luzon ‘kahina-hinala’

Tarriela: Kilos ng research vessel ng Tsina sa Luzon ‘kahina-hinala’

MANILA, Philippines- Tila kahina-hinala ang paggalaw ng fisheries research ship ng China sa labas ng Luzon, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Ipinunto ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na ang Lan Hi 101– isa sa pinakamalaking fisheries research ships ng China ay nagpapanatili ng tinatayang distansya na 24 hanggang 25 nautical miles habang bumibiyahe malapit sa rehiyon.

Bagama’t sinabi sa kanila ng Lan Hai 101 na “invoking the right of innocent passage” lang ito, ibinunyag ni Tarriela na ang research vessel ay bumiyahe sa parehong distansya habang lumilipat malapit sa ilang Luzon areas tulad ng Palawan, Mindoro, Zambales, Pangasinan, at Ilocos.

Nitong Miyerkules, iniulat ni Tarriela na ang Lan Hai 101 ay huling naispatan sa tinatayang 62 nautical miles sa baybayin ng Babuyan island.

Ang presensya ng Lan Hai sa loob ng archipelagic na tubig ng bansa ay unang iniulat ni Ray Powell, direktor ng SeaLight, isang programa ng Gordian Knot Center ng Stanford University para sa National Security Innovation.

Sinusubaybayan ng PCG ang mga galaw ng CCG vessels na labag sa batas na tumatakbo sa loob ng exclusive economic zone ng bansa at malapit sa Zambales mula noong Enero. Jocelyn Tabangcura-Domenden