Home NATIONWIDE Task Force Abra muling binuhay ng Comelec sa 2025 polls

Task Force Abra muling binuhay ng Comelec sa 2025 polls

MANILA, Philippines – Binuhay ng Philippine National Police (PNP) ang Task Force Abra para sa paparating na halalan sa Mayo, sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia nitong Biyernes, Abril 11.

Noong nakaraang buwan, matatandaan na binuo ng PNP ang special task force para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa pagsisiguro ng mapayapa at maayos na halalan.

“Kagaya ng sinabi ng chief PNP, nagcreate sila ng Task Force Abra, nirevive nila ang TF Abra, nirevive din nila ang TF BARMM. Ibig sabihin, may special na grupo ng PNP at, syempre, kasama ang AFP [Armed Forces of the Philippines] contingent, na nakatutok sa mga lugar na iyan sapagkat nakikita nga nila yung pagtaas ng shooting incidents diyan sa mga area na iyan,” ani Garcia sa press briefing sa Camp Aguinaldo sa Quezon City.

“Dahil diyan, kinakailangan na mayroong isang grupo na namamahala ng lugar para mabilis ang responde,” dagdag ni Garcia.

“Yung ganitong klase ng mga preparasyon ay highly appreciated ng Comelec.”

“Dati pa kasi iyon, noong barangay at 2022 elections, meron tayong TF Abra at TF BARMM na PNP contingent sa area. Hindi lang election ang kanilang inaasikaso kundi ang common day-to-day problem of peace and order, yun ang inaasikaso ng PNP,” dagdag pa ni Garcia.

Tututukan ng Task Force Abra ang paglaban sa mga karahasan sa probinsya na may kinalaman sa halalan.

“Ang kagandahan ng may TF, nakatutok lang sila sa election. Wala silang iba munang gagawin; election lang. Sisiguruhin nila na yung lugar ay maayos, tahimik at walang violence,” paliwanag pa ng Comelec chairman.

“Dahil sa mataas na shooting incidents, maaaring wala namang namamatay, kinakailangang irevive na ang TF so that any time may problema, nandiyan sila, hindi lang ang regular nating mga tauhan doon,” pagpapatuloy nito.

Makikipagtulungan ang task force sa Comelec, AFP, at Philippine Coast Guard upang masiguro ang mapayapang halalan sa Abra.

“Meron siyang organization, mula sa TF pababa hanggang sa bawat munisipyo. Ibig sabihin, it’s not just a mere TF of several individuals. It’s an organization by itself. Ang monitoring and action anndun hanggang sa baba,” ani Garcia.

“Therefore, asahan natin na sa isang bayan, may nakaassign doon na directly reporting sa head ng TF.”

Matatandaan na may mga naitala nang election-related violent incidents (ERVIs) sa ilang lugar sa Abra mula nang magsimula ang election period noong Enero.

Nito lamang Lunes, Abril 7, ay nasawi sa pamamaril ang barangay chairperson at municipal councilor sa Lagangilang.

Naniniwala si Garcia na election-related ang naturang insidente. RNT/JGC