MANILA, Philippines – Bumuo ang Food and Drug Administration (FDA) ng task force sa layuning i-regulate ang pagbebenta ng mga tradisyonal at herbal na gamot o supplement sa bansa.
Sinabi ni FDA spokesperson Pamela Sevilla na iniutos ni FDA Director General Samuel Zacate ang paglikha ng “Task Force Thompson” sa gitna ng paglaganap ng mga produktong ito na ibinebenta sa merkado.
Ayon kay Sevilla, ipinag-utos ni Zacate na magkaroon ng polisiya tungkol sa traditional medicines and herbal medicines.
“Itong herbal medicines, tinitignan namin through international standards, kung talagang kakayaning pumasok sa regulasyon sa ngayon ng FDA,” ani Sevilla.
Sinabi pa ng opisyal na sa kasalukuyan, ang FDA ay tumatanggap lamang ng drug products na may therapeutic claims.
Kapag ang isang produkto ay walang therapeutic claims, sinusuri ng ahensya kung mayroon itong nutritional o health claims.
“Nakita namin kung paano solusyunan, kung paano ang tamang daan, kung paano talaga siya mare-regulate dito sa bansa,” sabi ni Sevilla.
Sa unang bahagi ng taong ito, apat na plant-based supplements ang pumasa sa malawak na clinical trials na isinagawa ng Institute of Herbal Medicine-National Institute of Health ng UP Manila, na hudyat ng panibagong milestone sa pagpapaunlad ng gamot sa bansa.
Ang mga clinical tests na ito ay nagpatunay na ang mga bagong gamot ay maaaring hango sa Ulasimang Bato, Yerba Buena, Ampalaya, at Tsaang Gubat.
Ang mga klinikal na pagsubok at iba’t ibang yugto ng pagsusuri upang patunayan ang kaligtasan at bisa ng apat na bagong gamot ay tumagal ng pito hanggang 10 taon. Kapag naaprubahan ng FDA, ang mga bagong gamot ay inaasahang mag-aalok ng abot-kayang alternatibo sa publiko. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)