Home NATIONWIDE Tatlong set ng adaptive traffic signal lights mula sa NLEX, pinasinayaan

Tatlong set ng adaptive traffic signal lights mula sa NLEX, pinasinayaan

111
0

MANILA, Philippines – PINANGUNAHAN ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kasama ang kinatawan ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila at ng Caloocan, ang “ceremonial turn-over” ng tatlong bagong sensor-based traffic signal lights na inilagay sa North Luzon Expressway (NLEX) Connector Interchanges sa magkakahiwalay na lokasyon sa mga nabatid na lungsod, nitong Martes ng umaga.

Nabatid sa MMDA, kabilang sa mga kinabitan ng NLEX Corp. ng mga bagong signal lights ang C3 Road sa Caloocan, kanto ng España Boulevard at Antipolo St.at Magsaysay Blvd. sa Maynila na makatutulong sa maayos na daloy ng trapiko at pagtawid ng mga pedestrians.

Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, may 143,000 sasakyan ang dumaraan sa naturang mga panulukan kaya’t kailangang-kailangan dito ang paglalagay ng smart traffic signaling system.

“These newly installed signal lights are not just ordinary traffic signals. They follow MMDA’s updated standards and are equipped with adaptive signaling systems that use sensors instead of traditional timers. This technology allows real-time adjustment to traffic conditions, which means better vehicular flow and safer pedestrian crossings,” ani Artes.

Ayon naman kay Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) Chief Regulatory Officer Arrey Perez, ang bago at modernong signal lights ang daan upang mapaayos pa ang pamamahala sa trapiko para na rin sa kaligtasan ng mga motorista at pedestrians.

Kaugnay nito, sinabi ni Artes na ganap nang inalis ng MMDA ang mga traffic signal lights na may timers at ngayon ay naglagay na ng 90% ng adaptive signal lights na pinapatakbo ng ahensya na nagresulta sa mas maayos na daloy ng trapiko ng sasakyan at nabawasan ang bilang ng mga aksidente sa kalsada.

Samantala, tinugunan naman ng NLEX ang panawagan ni Artes na ikonekta ang malalaki nilang tubo ng kanilang drainage sa main drainage system ng Maynila upang hindi mapunta sa kalsada ang tubig.

Sa pahayag ng NLEX, nakikipagtulungan sila sa pamahalaan sa implementasyon ng pag-kontrol sa baha na ang magbebenepisyo ay mga motorista at komunidad.

Kabilang sa mga dumalo sa nasabing seremonya sina Caloocan Vice Mayor Karina The-Limsico, Manila Traffic and Parking (MTPB) head Director Dennis Viaje, at Manila City Engineer Arman Andres na silang kumatawan kay Mayor Isko Moreno Domagoso. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here